Estranghero: Ang Pagtuklas Ko sa Pampanga sa Dalawang Yugto

Magmula nang lumipat kami sa Mabalacat, Pampanga, ginawa na naming personal na proyekto na kilalaning mas mabuti ang mga karatig na siyudad, at ang lalawigang itinuturing na naming tahanan. Kapampangan ang aking ina, ngunit hindi na niya kami naturuang magkakapatid ng wikang kinalakhan niya. Ayon sa kaniya, dahil daw ayaw ng aming ama. Kung bakit naman ayaw ng aming ama, hindi na niya naipaliwanag. High school na ako nang maitanong ko kung bakit, at hindi ko na rin inusisa pa pagkatapos at baka pagmulan pa ng ‘di pagkakaunawaan. Pakiramdam ko tuloy, malaking bahagi ng aking pagkatao ang hindi ko ma-akses dahil hindi ko nauunawaan nang lubusan ang wikang Kapampangan. Sadyang malayo rin ang Cabanatuan City sa Pampanga, kaya hindi madali na makipagkita nang madalas sa mga kamag-anak para matuto ako nito. Tuwing dadalaw kami noon sa Pampanga kapag may reunion (o kapag may namatay na kamag-anak), o tuwing uuwi sa Cabanatuan ang mga tito, tita, pinsan ko’t mga pamangkin, kami lang tatlong magkakapatid ang hindi marunong mangam-Pampangan. Hindi naman ito isyu sa kanila, at lahat naman sila’y marunong mag-Tagalog, ngunit malungkot pa rin dahil gustohin ko mang maging mas malapit sa aking mga pinsan at pamangkin (matanda kasi ang aking dugo), ay hindi ko ito lubusang magawa dahil sa awang sa wika at kultura.

Nagkaroon ako ng matinding kagustuhan at pangangailangan na kilalanin pang mas mabuti ang lalawigang pinagmulan ng aking ina. Naging komitment ko nang magtalâ, magsulat, at magkuwento tungkol sa lalawigang ito. Bukod sa unti-unting pamumukadkad ng “kalahating ako” na konektado sa kultura, wika, at gawing Kapampangan, ay malaking bahagi rin ng kasaysayan ng Luzon ang lalawigang ito, na nagsisilbing lagusan ng iba’t ibang lalawigan pa-norte, at aluyan ng mga domestikong migrante mula sa iba’t ibang bayan, tulad na lang ng Nueva Ecija, Bulacan, Quezon, at ang NCR. Ang mga susunod na talâ at kuwento’y magsisilbing blueprint at panimula ng mga mas ekstensibong mga proyekto sa fiksyon at libro ng mga sanaysay na matatapos sa susunod na isa o dalawang taon.

Unang yugto: Kung paano kumain ang mga Kapampangan

eiliv-sonas-aceron-Q-5eUQwEqm0-unsplash
(IMAGE: UNSPLASH/Eiliv-Sonas Aceron)

Kilala ang Pampanga bilang food/culinary capital ng bansa. Aminado akong noong 2017, kahit laging salat sa pondo, ay naunawaan ko kaagad kung bakit tinawag itong kabisera ng masasarap na lutuin. Alam kong masarap magluto ang aking ina, ngunit hindi ko pa sigurado noon kung gaano ba ka-ekstensibo ang husay sa pagluluto ng mga Kapampangan. Ang aking karanasan sa lutong Kapampangan ay limitado sa pagluluto ng aking ina, at ang mangilan-ngilang beses na nahainan kami ng pagkain tuwing may mga “mini-reunion” sa Magalang o San Fernando. Samakatuwid, hindi pa buo sa aking isipan kung ano nga ba ang itsura at lasa ng “lutong Kapampangan” talaga.

Nakatira pa kami noon sa isang maliit na inuupahang kuwarto, sa isang ‘dorm style’ na bahay. Bawat kanto kasi sa munting subdibisyon, may kainan. Tandang-tanda ko pa noon ang aking matinding internal (at eksternal) reaksiyon nang matikman ko sa unang pagkakataon ang maituturing na “pagkaing masa” sa Mabalacat—ang lutong karinderya. Mababaw lang ang aking inaasahan sa mga ganitong pagkain dahil sa aking kinalakhang bayan ng Cabanatuan, ang lutong karinderya ay kadalasang matabang, malamig, at malaki ang tsansang inulit na mula sa mga nakaraang araw ng pagtitinda. Maraming “hocus pocus,” kumbaga, na kung hindi ka sensitibo sa mga senyales na inulit o “pangat” (pangatlong init) na ang hinahain sa iyo, ay makakakain ka nga ng luma (o mas malala, panis) na pagkain. Dahil dito, kung bagong salta ka sa kahit anong bayan sa Nueva Ecija, kailangang matalas ang mata mo’t ilong, at maging mapanuri, para hindi ka mahainan ng pagkaing may “hocus pocus.”

Hindi ako sigurado kung bakit hindi umusbong nang husto ang kulturang mapagmahal sa pagkain sa lungsod na pinagmulan ko, kahit na ang kalagayang pang-ekonomiya naman ng mga nasa Mabalacat at nasa Cabanatuan ay halos pareho lang. Tulad ng Cabanatuan, ang mga karinderya dito’t tindahang may alok na ulam (karaniwan ito—walang mga upuan at lamesa, pero may tindang kanin at ulam) ay panay ang diskarte para laging abot-kaya ang kanilang mga lutuin. Ibig sabihin, masa at hindi mga maykaya ang target na mga kostomer.

Kung pantay lang naman ang kakayahang magbayad ng mga kostomer mula sa magkaibang bayan at lalawigan, bakit kaya may pagkakaiba sa paraan ng paghahanda at kalidad ng pagkain? ₱30 hanggang ₱40 ang pangkaraniwang presyo ng lutong ulam sa Mabalacat. Sa halagang ₱50 at pataas, makabibili ka na ng kalahating bangus na mataba ang tiyan, kalderetang baka, lechon kawali, inihaw na pusit, pritong manok (malalaking hita), at iba pang “specialty” na ulam na sa Pampanga ay karaniwang pagkain lang, o madalas pa nga’y pulutan lang ng mga manginginom. At dahil na rin sa esensiyal na kapangitan ng pambansang ekonomiya, bihasa rin kami ni Kristelle sa paghanap na mga “super budget” na lutong ulam, tulad na lamang ng ₱5 lumpiang baboy, ₱10 dinuguan, ₱15 na ginulay na mais na may ilang hiwa ng taba ng baboy, ₱20 na longganisang hubad, ₱20 na pritong galunggong, o ₱20 na munggo. Ang mga pagkaing ito ang bumubuhay sa amin kapag talagang sadsad kami pareho sa kahirapan, at walang dumarating na proyekto sa pagpi-freelance. Napagkakasya namin ang tatlong daang piso sa loob ng tatlong araw din o higit pa, basta magsasaing kami, o kahit hindi na, dahil hindi nagmamahal ang lutong kanin.

Samakatuwid, hanggang sa pinakamaralitang kostomer, bukas ang mga kainan sa Pampanga. Kung ikukumpara ang mga karanasang ito sa nakasanayan ko naman sa Nueva Ecija, isang matinding ispektakel ang mangyayari tuwing mamimili ako ng pagkain kung wala akong kapera-pera. Ang minimum sa presyo ng ulam sa Cabanatuan City mula pa noong 2017, ₱40 na, at ang kanin naman ay matagal nang nakatali sa ₱15. Madalas pa’y kapos ang kanin dahil maliit ang pantakal, kaya kulang sa isang buong tasa ang kanin. Sa dami naman ng ulam na ibinibigay, dalawa hanggang tatlong maliliit na hiwa lang ng baboy ang maaabot mo sa halagang ₱40-₱50, at ilang hibla ng gulay. Ikumpara natin ito sa ₱50 na sinigang na babi sa palengke ng Mabalacat, kung saan ang isang bigayan ay katumbas ng dalawang tasang gulay (talong, gabi, puso ng saging, talbos ng kamote), sabaw, at isang malaking hiwa ng tadyang na may laman at taba. Mahirap talagang pagtabihin ang dalawa, dahil ang isa’y bubuhayin ang naghihikahos na Pilipino, at ang isa nama’y ang binubuhay lang ay ang nagtitinda.

***

Bakas pa rin sa isipan ko nang bumili si Kristelle noon ng dalawang ulam para sa aming tanghalian: isang supot ng giniling, at isang supot ng adobong atay at balumbalunan. Pagbiyak ko sa supot, napansin ko kaagad ang pagkakaiba ng paghahanda nito laban sa aking nakasanayan. Bukod sa mapulang sarsa, ang giniling na lama’y manilaw-nilaw dahil sa hinaluan ito ng itlog. Iba rin ang armonya ng mga amoy nito’t niluto ito sa maraming kalamansi, sa halip na pakuluan na lamang sa tomato sauce at toyo, na siyang mas karaniwang paraan ng pagluluto sa Nueva Ecija at sa Quezon City na rin, at nag-aral ako sa lungsod na ito ng 4 ½ na taon.

Kung sa ibang probinsiya ay mga magagandang tanawin ang nagsisilbing hudyat ng pagdating sa mga manlalakbay, turista, at bagong salta, sa Pampanga, ang siyang kukuryente sa iyong kamalayan ay ang pagkain dito. Mahirap ipaliwanag kung bakit sobrang malasa ang mga pagkain dito, kahit mabibilang mo naman sa daliri ang mga sangkap, at ang mga sangkap nama’y nabibili kahit saan. Ang lutong Kapampangan ay masasabi mong walang halong ‘drama’ pagdating sa mga sangkap. Kung ano lang ang nandiyan, siyang kanilang gagamitin. Ngunit ang kalalabasan lagi, angat sa ginagawa ng mga karatig na probinsiya. Giniling na baboy, sibuyas, bawang, itlog, kalamansi, patis, at kamatis. Hinihimay kong mabuti sa aking isip kung paano naging ganito ang lasa kahit ako mismo ay nagluluto ng giniling na baboy sa bahay, ngunit kahit kaila’y hindi ganito ang kinalabasan. Literal na napatigil ako sa pag-nguya, at para akong naglalakbay sa haraya habang pilit kinikilala ng aking dila ang mga panibagong sensasyon. Nang maubos, tinikman ko naman ang napakasimpleng inadobong atay-balumbalunan. Buong-buo ang lasa ng bawang, sibuyas, at toyo. Malalim ang lasa ng karneng paborito ng mga tao dito’t mura at sagana ang suplay. Dito ko napagtanto na tulad ng probinsiyang aking kinikilala, maging ang pagkain dito’y may bitbit na hiwaga’t mga sikretong nagkukubli sa anyong ‘karaniwan.’

Karaniwan, ngunit kakaiba ang pagkakahanda. Hindi ko alam na posible palang maging malasang-malasa ang sadyang payak na mga ulam. Bagamat masarap ding magluto ang aking ina, marami siyang mga hindi na ginagawa dahil nakapangasawa nga ng Tagalog, at hindi lahat ng gawing Kapampangan ay tanggap o gusto ng mga Tagalog, lalo na siguro sa paraan ng pagluluto. Halimbawa na lamang dito ay hindi ko matandaang nagluto kahit kalian ang aking ina ng “kilayin,” o ang adobong Kapampangan habang pinapalaki niya kami. Sa Mabalacat ko na lang din natikman ito, at napakalayo nito sa adobong Tagalog na niluluto niya. Kaya pala noon, napagtanto kong parang may kulang sa lasa. Kaya pala kula, hindi niya maihain sa amin ang nakasanayang kilayin, na baboy na pinalasahan munang mabuti ng suka bago isalang sa apoy. Pinalaki kaming magkakapatid hindi bilang mga Kapampangan (kahit bahagya man lang), ngunit bilang mga Tagalog na taal na taga-Nueva Ecija. Base sa personalidad at mga gawing naoobserba ko sa mga pininsan ko’t pamangkin, at ngayon sa mga nakakasalimuha naming ng aking katuwang sa aming araw-araw na pamumuhay sa Mabalacat, malaki talaga ang pagkakaiba ng dalawang pangkat. At ngayong dito na ako sa Pampanga namamalagi, masasabi kong mas malapit na ang puso ko sa mga Kapampangan kaysa sa mga Tagalog, kahit mahigit tatlong dekada akong hinulma ng kaisipan at kagawiang Katagalugan. Bagamat tradisyunal o konserbatibo sa maraming paraan (lalo na sa mga relihiyosong pamilya), may katangian ang mga Kapampangan na hindi ko nakasanayan kailanman sa mga sonang Katagalugan. Ang unang katangian ay ang kulturang matriyarkal, kung saan ang mga kababaihan ang may hawak sa mas malaking porsyento ng giya ng politikang domestiko. Ang ikalawa naman ay ang kultura ng pagiging bukas sa napakaraming paraan: bukas sa iba’t ibang paraan ng pamumuhay, bukas sa iba’t ibang gender at oryentasyong seksuwal, at bukas din sa iba’t ibang hulma ng paniniwala at moralidad.

Ikalawang yugto: …At kung paano sila patuloy na lumalaban

miltiadis-fragkidis-_lV0rk5oop4-unsplash
(IMAGE: UNSPLASH/Miltiadis Fragkidis)

Taong 2017 nang una kong masilayan ang ikonikong Walking Street, na tinaguriang “Pattaya” o sex district ng Pampanga. Bagamat marami pang ibang lugar kung saan makakatagpo ng sex workers o mga tinaguriang “walkers,” ang Walking Street sa Balibago, Lungsod ng Angeles, ang pinakakilala sa kanilang lahat, dahil na rin sa patuloy nitong exposure sa Internet at sa tagal na nitong nagbibigay ng espasyo sa ganitong klase ng kalakaran. At dahil ilang taon na kaming nananatili sa lalawigan, sa tingin ko ay may patas at malinaw na sagot na ako sa tanong na “bakit mayroon pa ring mga sex workers at sex industry sa Pampanga?” Ang aking sagot: may sex industry pa rin dito hindi dahil sa likas na pagkahilig sa pagniniig ng mga tao (hindi rin naman ito masama kung sa pagitan ng dalawang sumasangayong tao na nasa hustong edad na), kung hindi dahil hindi pa rin lubusang nasosolusyonan ang kahirapan ng maraming kababaihan at pamilya sa lungsod ng Angeles, at sa mga karatig na lugar.

Maniwala kayo’t sa hindi, ang Walking Street at Fields Avenue (na siyang mas malaking area na sumasakop sa Walking Street) ay nagalugad na naming mabuti ni Kristelle mula pa noong 2017, sa kagustuhan naming maunawaan ang dinamikong relasyon ng mga sex workers at ang mga espasyong binuo para sa ‘pagbibigay-aliw’ sa mga parokyano ng industriyang ito. Lumabas ang unang pagsusuri ko sa topograpiya at mga mekanismo ng panggagamit at kontrol sa Walking Street sa pahayagang Pinoy Weekly. Nasundan ito ng mahaba-habang akdang fiksyon na base naman sa ‘di na mabilang na mga interaksiyong naitalâ ko sa paglubog sa lugar sa loob ng isa’t kalahating taon. Sa aking akdang fiksyon na “Angels in the Mire” ko rin unang nagamit nang lubusan ang modang “social realism” upang isulong at bigyang pansin ang tunay at historikal na naratibong “subaltern” o pipi ng isang grupo o hanay ng mga manggagawa. Ang nasabing akda ay tinanggap at ginawaran ng pagkilala sa Gawad Digmaang Rosas XIV, ng Holy Angel University. Bagamat maraming sasalag sa klasifikasyong “manggagawa” kung ito’y gagamitin sa mga “walkers” o “prostitutes” o sa kolokyal ay ‘puta’ o ‘pokpok,’ hindi maikakaila na kaya nga tinawag na ‘sex industry’ ang sistematikong kalakaran ng laman ay dahil may mga nagsisilbi dito, at may demand sa merkado. Hindi maaaring sabihin na hindi sila manggagawa, at kung wala sila, walang industriya na nagbubunga ng limpak-limpak na salapi sa porma ng upa o lease, buwis, turismo, at mga permanente at semi-permanenteng mga residente (banyaga man o Pinoy).

Bilang lohikal na pagpapatuloy ng aming paggalugad sa mga koneksiyon sa pagitan ng mga espasyong aliwan at ng topograpiya ng kalunsuran, tinungo din namin ang isang malawak na komunidad sa ilalim ng tulay sa Hensonville Riverside, sa Malabanias, Lungsod ng Angeles, noong nakaraang taon. Ang inisyal na plano nami’y hihingi kami ng tulong sa isang kalapit na istasyon ng pulis, nang kami’y makababa sa komunidad. Nagulat na lang kami nang sabihin nilang delikado bumaba, at mas maiging humingi na lang kami ng tulong sa barangay.

Pagbaba namin ng komunidad, tumambad sa amin ang isang network ng mga kabahayang ang layo lang sa bawat isa ay pader. Madilim at mainit ang mga daanan, ngunit buhay na buhay ang kapaligiran sa mga alalahanin at gawain sa pang-araw-araw. May umupa ng videoke at bertdey daw ng kaniyang lola—may handa silang barbecue at spaghetti. May mga dalagitang posturang-postura na palabas sa mga kabahayan at mukhang maglilibot. May isang malaking kumpulan ng mga nanay, mga kinseng katao, na nagbi-bingo. May mas maliit na kumpulan ng mga nagsusugal. Maraming matatanda, bata, binata, at dalagang nakaupo sa tapat ng mga bahay nila, nagmamasid lang sa paglipas ng hapon. Ang pakay namin noon ay mga kabataang anak ng mga banyaga at mga sex worker sa Balibago. Nais naming malaman ang kanilang mga kuwento, at ang kanilang kalagayan mula nang sila ay isilang.

Bukod sa isang napakatangkad na binatilyong katorse anyos na may amang African-American, ang iba pang mga batang anak ng banyaga sa lugar na ito ay edad dose lamang at pababa. Karamihan ay katututo pa lamang maglakad, o karay-karay pa ng mga ina’t ilang buwan pa lang isinisilang. Iisa ang hulma ng kuwento ng mga kababaihan ng Malabanias na sumabak sa buhay sex worker: mahirap sila, walang makain, kaya kailangang magsakripisyo. Ang isa sa kanila, nabuntis ng isang Amerikanong puti nang hindi inaasahan, kaya muntik na siyang hiwalayan ng asawa. Naging ugat ng pagtatalo ang kaniyang pagbubuntis dahil sa pagtatrabaho niya sa isang bar sa Balibago, ngunit sa huli, tinanggap na rin ng padre de pamilya ang bunga ng pagiging walker—si Steve. Ang tanging kondisyon lang ng padre de pamilya sa asawa ay huwag na sanang maulit. Sa kagustuhang hindi na maging ugat pa ng mas malalim na alitan, umalis na kaagad ang babae sa kaniyang posisyon bilang GRO sa Walking Street, at ang asawa na lamang niyang construction worker ang dumidiskarte para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Hanggang sa ngayon, hinahanap pa rin niya ang tunay na ama ng bata, at umaasang kahit papaano, magkakaroon ng hustisya ang nangyari sa kaniya. Ani niya, lahat ng ito’y para lang sa kaniyang anak na si Steve. Kaso lang, tikom ang bibig ng hotel na pinagdalhan sa kaniya at ng dalawa pang GRO noong gabing ‘yon. Pribado daw ang impormasyon tulad ng numero ng selpon at ang buong pangalan ng mga parokyano. “Phil” daw ang binigay na pangalan sa kaniya noong gabi na ‘yon at tandang-tanda pa niya ang itsura. Paano ba naman niya makakalimutan, e mistulang photocopy ng lalaki ang anak niyang bunso. Ang bunsong si Steve, na kaka-isang taon pa lamang, kulay gatas ang balat, kulay mais ang buhok, at malalim na asul ang mga mata. Kahit paano mo itabi at ihambing sa mga nakatatandang kapatid na lahat kulay kape, hindi mapagkakailangang iba ang kaniyang ama.

Ilan lamang sila sa mga “hybrid” na bata sa Malabanias, na kung pagsama-samahin siguro’y makabubuo na ng United Nations ng mga anak na iniwan ng mga banyagang ama. Lahat sila’y Pilipino kung ituring ang mga sarili, kahit na ang kanilang mga mukha, buhok, at balat ay may pagkaiba sa ibang mga bata, binata, at dalaga.

***

Marami pang kuwentong hindi nabubuksan, at marami pa ring mga lugar at sitwasyon na kailangang ungkatin sa mga kalunsuran dito. Ang pagiging culinary capital ng Pampanga ay hindi lamang tungkol sa masasarap na pagkain at ‘di malilimutang mga linamnam—nakabigkis sa titulong ito ang pagpupursigi ng iba’t ibang trabahador at negosyong pagkain na paunlarin ang mga sarili sa ngalan ng domestikong ekonomiya, na sinusuportahan hindi lamang ng mga mamamayang Kapampangan, ngunit ng mga turista mula sa iba’t ibang lalawigan, at maging ng mga galing sa ibang bansa.

Kaakibat ng pagmamahal sa pagkain ay ang pagmamahal din sa pamilya, at sa kakayahang gawing makabuluhan ang mga minanang tradisyon na bagamat hindi perpekto at may gaspang din sa iba’t ibang pagkakataon, ay nakatutulong na bumuhay sa mga bayang panay ang pagdating at paglisan ng mga domestikong migrante. Kailangan ding idiin na walang pinagkaiba ang pagpupursiging magluto ng masarap sa pakikipagsapalaran sa iba’t ibang paraan sa mga kalunsuran. Ang mangangarinderya at ang mga walker ay kapwa nagbubuwis ng panahon, buhay, at lakas-katawan sa ngalan ng pamilya, sarili, at pangangailangan. Ang Kapampangan ay hindi marunong tumigil sa paghahanap ng kabuhayan, kaya patuloy rin ang pagbubukas niya ng mga espasyo para sa sarili at sa mga reyalidad na hind madaling kontrolin ang mga sirkumstansiya. At dahil lagusan, tigilan, at minsa’y nagiging tirahan na rin ang mga migranteng banyaga at domestiko ang lalawigan ng Pampanga, kailangan nilang gawin lahat ito habang nakikisama sa sa iba’t ibang pangkat na tulad nila’y lumalaban din araw-araw upang mabuhay.

Ito ang aking mga talâ sa aming buhay sa Pampanga.

At ito ang mga kuwento nating lahat.

Saranggola 336x280
Opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 2019 sa kategoryang Sanaysay

One thought on “Estranghero: Ang Pagtuklas Ko sa Pampanga sa Dalawang Yugto

Comments are closed.